Search This Blog

HappeningPH Artist Spotlight! Guhit ng Buhay: The Art of Louie Tan Bitavarra, From Textbooks to Timeless Works!

Mula sa mga dingding ng probinsya hanggang sa mga pahina ng aklat-aralin, ang sining ni Louie Tan Bitavarra ay lumawak sa loob ng mahigit dalawang dekada.

Isang batikang graphic artist at digital illustrator, si Louie ay inspirasyon sa mga kabataang artist na nangangarap maging propesyonal sa larangan ng sining. Mula sa impluwensiya ng kanyang ama hanggang sa mundo ng textbook publishing, ang kanyang galing at dedikasyon ay tunay na kahanga-hanga.

Nagtapos siya ng Bachelor of Fine Arts major in Advertising sa Far Eastern University, na nagsilbing matibay na pundasyon ng kanyang professional career.

Mula 2013, si Louie ay naglingkod bilang graphic/layout artist at digital illustrator ng SIBS Publishing House, Inc. sa Quezon City. Nagdidisenyo at layout siya ng textbooks, journals, teacher’s manuals, at activity books. Bihasa rin siya sa logo design, branding, at paggawa ng materyales para sa exhibits at events.

Bago sa SIBS, nagtrabaho siya sa iba’t ibang publishing house gaya ng Students’ Power Publishing House, Inc. (2009–2010) at naging graphic, lahout, at design coordinator sa The Expo Hut sa Dubai, UAE (2007–2009), kung saan higit na nahasa ang kanyang galing.

Tubong Bulan, Sorsogon, nag-aral si Louie sa Bulan South Central School at Bulan Vocational High School bago lumuwas sa Maynila para tuparin ang kanyang pangarap bilang alagad ng sining.

Kilalanin natin si Louie at ang kaniyang sining.

1. Kailan at paano ka naging artist?

Simula kabataan ko, nagdu-drawing na ako sa buhangin at sa dingding ng bahay namin sa probinsya. Naging inspirasyon ko ang tatay ko kasi isa rin siyang illustrator, pintor, at iskultor.

Di man nya nakuha ang kurso na Fine Arts, ako na lang ang tumuloy sa kanyang pangarap.

2. Ano ang favorite artworks at artists mo na naging inspirasyon at model mo?

Sa artworks, “The Last Supper” ni Leonrdo da Vinci at “Spoliarium” ni Juan Luna. Actually, madami pa. Sa iskultor naman, paborito ko ang “La Pieta” ni Michelangelo.

Bukod kina da Vinci, Michaelangelo, at Luna, paborito ko rin sina Fernando Amorsolo, Botong Francisco, Rembrandt, at marami pa.

3. Paano nagbago ang art mo through the years?

Nagbabago ang art ko sa pagpa-practice, pagdiskubre ng ibang style, at pag-compose ng isang obra na naaayon sa sitwasyon.

4. Alin sa current works mo ang itinuturing mong obra maestra mo?

Top 3 ko ang “The Last Supper,” “Ang Tagapagtubos ng Kasalanan Nyo,” at ang “Salog” [Tagalog, “Ilog”].

5. Ano ang role o silbi ng art sa tao at lipunan?

Ang art ay isang obrang tahimik na nagagamit sa lipunan.

Bilang pintor/illustrator, ginagamit ko ang art sa payapang pakikibaka o pagpapaabot ng aking saloobin ukol o laban sa mga bagay at sitwasyon na gusto kong bigyan ng pansin at sasabihin. Maaring isang marahas na obra o kaya naman ay nagpapakita ng pagkakaisa at pagmamahalan.

Malawak ang inaabot ng sining . . . di lang siya isang obra na nagagandahan ang karamihan. Maaaring maganda sa kanilang paningin subalit sa bawat obra may nakatagong ibig sabihin ang mga bagay at karakter na nakapaloob dito.

6. Bukod sa pagiging artist, ano pang mga tungkulin ang iyong ginagampanan (halimbawa, ama, anak, empleyado, business owner)?

Ako ay isang tatay sa dalawang anak at empleyado sa isang book publisher bilang taga-guhit.

7. Paano mo nababalanse ang mga role na ito?

Simple lang. Kung nasa trabaho ka ang oras mo dapat nakatuon ka sa kanya. Pero wag kakalimutan na may buhay na kailangan mo unahin sa oras na kailanganin ka nila (pamilya). Kahit nasa trabaho ka, unahin mo sila.

Pag nasa bahay naman, ang oras ko ay nasa pamilya ko. Tagaluto rin. 🙂8. Anong mensahe mo sa mga aspiring artist?

Sa lahat ng aspiring artist, ipagpatuloy niyo ang anumang biyayang talent sa inyo ng Panginoon.

Lahat ng tao, o kahit nga ang mga hayop may espesyal na talent, tayo pa kaya na nilalang na may napakataas na utak at kakayahan?

Huwag kayong susuko. Hindi  naman lahat nagsimulang magaling. Oo, andyan ang talagang mahusay nang nagsimula, pero di sila tumigil na mag-eksperimento pa para lalong humusay sa larangan.

Gawin ninyong inspirasyon ang hinaharap, hindi ang masasabi ng iba na nagkukunwaring magaling pero magaling lang pala manlait at di kaya ang ginagawa mo bilang artist. Maraming naglipanang ganyan sa mundo, ang manira ng alam nilang may kakayahan.

Ako minsan, kalaban ko ang isip at puso ko sa isang obra na ginagawa ko. May mga pagkakataon kasi na andun na ang sketch mo, biglang magbabago ang isip mo. Pagka ganoon, pag-isipin mo ang isip mo at isama ang puso mo kung tama ba o mas maganda?

Pag isipan mo ng sampung beses hanggang sa makagawa ka ng desisyon para sa ikakaganda ng obra mo. Puyatan ang pag gawa ng obra kaya ihanda ang katawan, puso, at isipan—lalo na ang kamay at mga materyales sa pag buo ng obra.

9. Anong pangarap mo bilang artist?

Top 3 sa pangarap ko ang makapag exhibit ng gawa ko, makagawa ng maraming obra, at makabenta ng obra.

10. Saan ka makokontak para sa commissioned works?

Puwede akong kontakin sa FB Louie Tan Bitavarra.

Ang presyo naman wala akong fixed na presyo. Depende sa size at sa tipo ng obra na gagawin, pag-uusapan  na lang namin ng kliyente.

Sa panahong mabilis na nagbabago ang teknolohiya at nauuso ang AI, nananatiling buhay at makabuluhan ang sining ni Louie—taos-puso, makabayan, at malalim.

Ang kanyang mga obra ay hindi lang palamuti sa pahina o dingding, kundi tulay ng mensahe, damdamin, at adhika. Para kay Louie, ang sining ay pakikibaka, pagninilay, at pagmamahal—at sa kanyang mga guhit, mararamdaman natin ito na buhay na buhay.



Looking for a cleaning service you can trust? mj cleaning services offers comprehensive cleaning solutions designed to meet your specific needs. From residential spaces to commercial properties, m j cleaning services ensures a high standard of cleanliness and reliability. With a commitment to customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers spotless results every time, making your space healthier and more inviting.

No comments: