Search This Blog

Si Boogie at ang Pitong Bawal

Bunso si Boogie sa bahay ni Joonie.

At wala na siyang hahanapin pa:

 

Sa kanya ang buong kwarto,

Sa kanya ang lahat ng gamit,

Sa kanya lahat ng kayang tanawin,

Sa kanya lahat ng kayang talunin.

 

Sa parisukat na silid na ito,

Si Boogie ang hari at reyna

Lalo’t maghapong wala si Joonie

Siya rin ang bida at kontrabida

Sa maghapong pagtulog libreng

Managinip nang walang gigising

Sa maghapong paglalaro libreng

Manalo nang walang kokontra:

 

Wala na siyang mahihiling pa sana

Kung di lang sa pag-uwi ni Joonie

Pagkalag ng kandado,

Pagbukas ng pinto,

Pagpitik ng ilaw,

Simula na naman ang pitong bawal—

 

I

“Boogie, bawal lumabas!”

Kahit nasa labas pa ang sapatos ni Joonie

Kahit nagpapalit pa lang ng pambahay

Kailangan na agad niyang bumalik:

 

Kundi dudumi ang paa ay magpapasok ng putik

Kundi mahahawa ng sakit ay magdadala ng mikrobyo

Kundi aawayin ng dayo ay baka makasakit ng iba

 

“Alam ko po, saglit lamang!”

Sabay balik sa pintuan

Sabay tanaw sa kusina

Sabay pasok ng bahay

 

II

“Boogie, bawal mangulit!”

Kahit buong araw nanabik kay Joonie

Kahit maghapong napag-isa sa dilim

Kailangan na manahimik at mag-antay sa tabi:

 

Paano mawawalis kung hihiga sa alikabok

Paano malalampaso kung haharang sa basahan

Paano makakapaghanda kung tatalon sa lamesa

 

“Sige po, pero isang kiss po muna!”

Sabay iwas sa mga binti

Sabay talon sa estante

Sabay titig sa pagkain

 

III

“Boogie, bawal tumalon at bagong kain!”

Kahit busog na’t handang makipaglaro kay Joonie

Kahit puno na ulit ng lakas at sigla

Kailangan na magtimpi at magbagal ng galaw:

 

Kundi’y magsusuka at masasayang ang sustansya

Kundi’y magkakalat ng dumi at babaho ang bahay

Kundi’y gugutumin agad at sasama ang pakiramdam

 

“Tutulog ka na po kasi, di pa tayo naglalaro!”

Sabay titig anino sa dingding

Sabay hatak sa kordon ng charger

Sabay sipa palipad sa hanger

 

IV

“Boogie, bawal laruin ang di naman laruan!”

Kahit kaduda-duda ang silbi ng mga gamit ni Joonie

Kahit nakatambak lamang ito at bihirang magalaw

Kailangang iwasan at maghanap ng iba:

 

Nakakasugat ang thumbtacks at masisira ang laptop

Nakakadiri ang ipis at mahuhulog ang bentilador

Nakakalason ang gamot at mapupunit ang libro

 

“Saglit lang po’t mapapagod na rin nang kusa.”

Sabay lambitin sa nakasampay ng tuwalya

Sabay patihulog sa eskaparate ng de lata

Sabay tulak sa bote ng pampatak sa mata

 

V

“Boogie, bawal mangalmot!”

Kahit di naman siya pinuputulan ng kuko ni Joonie

Kahit napakasarap sa kuko ng gaspang ng balat at tela

Kailangang magtimpi at hindi masabik nang sobra:

 

Mabubutas ang plastic bag, di na masusuot ang polo

Magagasgas ang mga kahon, matatastas ang punda

Mababakbak ang sapatos, magsusugat ang hita

 

“Hindi ko lang po talaga mapigilan….”

Sabay sibad, dingding sa dingding, dulo sa dulo

Sabay talon, silap sa iskrin, aninag sa kalabog

Sabay bwelo, dapo sa damitan, matyag sa silid

 

VI

“Boogie, bawal mahulog pag oras ng pagtulog!”

Kahit mas maingay pa ang hilik ni Joonie

Kahit likas na tahimik ang bawat yapak at galaw

Kailangang maging maingat, lalo sa pagsampa:

 

Kundi mahulog ang exhaust, lalagabog sa sirang TV

Kundi gumuho ang tambak, tatapon ang basura

Kundi matabunan ang arinola, mababasa ang labada

 

“Saglit na lang po, tutulog na rin ako.”

Sabay dapa sa paper bag ng pinagsaluhang isda

Sabay hilata sa cellphone na nakasaksak

Sabay gulong sa malamig na baldosa

 

VII

“Bawal ka mawala, Boogie.”

Kahit tuwing umaga ay si Joonie ang laging umaalis

Kahit siya ang araw-araw binibilinan ng bahay

Kailangang gisingin niya si Joonie pagtunog ng alarm:

 

Paano’y gawa ng trabaho kaya may bubong at sustansya

Paano’y pataas nang pataas ang pamasahe’t bilihin

Paano’y kargo ng tao ang kakulangan ng pamahalaan

 

“Hindi ko po kayo maintindihan?”

Sabay titig nang matalim sa magulang na nananalangin

Sabay lambing sa paang pasuot na sa sapatos

Sabay hatid ng tingin sa pintong pasara na ulit

 

***

Sa parisukat na silid na ito,

Bawal lumabas

Dahil si Boogie ang hari at reyna

Bawal mangulit

Lalo’t maghapong wala si Joonie

Bawal tumalon nang bagong kain

Siya rin naman ang bida at kontrabida

Bawal laruin ang hindi naman laruan

Sa maghapong pagtulog libreng

Managinip nang walang gigising

Bawal mangalmot

Sa maghapong paglalaro libreng

Manalo nang walang kokontra

Bawal mahulog pag oras ng pagtulog

 

Wala na siyang mahihiling pa sana

Kung di lang sa pag-uwi ni Joonie

Pagkalag ng kandado,

Pagbukas ng pinto,

Pagpitik ng ilaw,

 

Bawal mawala

 

Lahok sa Saranggola Blog Awards 12

#SaranggolaBlogAwards12 #SBA12 #KuwentongPambata #Supil #HappeningPH


No comments: